Monday, October 30, 2023

Huminto, Tumingala at Tumunganga

Nasubukan mo na bang tumigil sandali
Sa kung anuman ang iyong ginagawa
Para ang buwan at kalangitan
Ay iyong mapagmasdan?

Ang ganda at ningning
Ng tila kay liit na mga bituin,
Sa kadilima'y iyong maaaninag
Ang taglay nilang liwanag

Hindi maidaraan sa pagkuha ng litrato
Ang paglarawan sa tanawing kita mula sa aking bintana
Kaya't tumigil na lamang ako't tumingala
At ninamnam ito habang nakatulala

Sana'y nakita rin ng iyong mga mata
Sana ikaw rin ay namangha
Sana'y iyo ring nadama
Ang saya, at panandaliang ginhawa
Sa paghinto, paghinga
Pagtingala, pagtunganga at pagmamasid


No comments:

Post a Comment